Mula pa pagkabata ay madalas na ang paalala ng ating mga magulang ng kahalagahan ng pag-inom ng tubig. Sa ating pagkabata madalas ay hindi natin pansin ang wastong pag-inom ng tubig subalit kapag nagkaka-edad ay mas lubos nating nauunawaan ang palagian nang paalala sa atin na uminom ng tubig ng walo hanggang 10 baso sa isang araw.
Ang ating katawan ay binubuo ng 55 hanggang 75 porsyento ng tubig, gaya ng langis na kailangan ng makina upang umandar ay gayundin naman ang silbi ng tubig sa ating katawan, kung walang tubig ay hindi ito gagana.
Lubhang mahalaga ang tubig sa tao, sa atin pa lamang paghinga ay dalawa hanggang apat na baso na ng tubig ang kailangan para magkaroon ng normal na paghinga at mas marami pang tubig ang kailangan kung tayo ay may sipon o ubo. Kung pawisan naman ay isang baso muli ng tubig ang nawawala sa ating katawan at kung umiihi ng anim na beses kada araw ay katumbas naman ito ng pagkawala muli ng anim na basong tubig, kung nag-eehersisyo ay dalawang baso umano ng tubig ang nawawala naman.
Ayon sa mga health expert, kung mabawasan ng 10 porsyento ng tubig ang ating katawan ay maaari itong magresulta ng panghihina at pagkawala ng konsentrasyon habang ang wastong supply naman ng tubig ay makatutulong para makaiwas sa sakit sa bato, maayos na paglulubricate sa ating mga joints, pagkaiwas sa constipation at pag-iwas din sa ubo at sipon.
Tubig Agad
Kadalasan ay nakakaramdam tayo ng pananakit ng ulo, pagkahilo, panghihina ng katawan o panunuyo ng bibig, payo ng mga doktor sa halip na inuman agad ng gamot ay mainam na uminom muna ng dalawang baso ng tubig dahil posibleng dala lamang ng dehydration ang ating nararamdaman, maaari naman na gawing indikasyon ng dehydration ang paninilaw ng ihi, dapat umano ay colorless ang ihi subalit kung matingkad ang pagka-dilaw nito ay mainam na bumawi agad sa tubig.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang pangangailangan sa tubig ng katawan ay nakadepende rin sa ating pangangailangan, kung madalas na magpawis o umihi marapat na palitan ito agad, inirerekomenda ng WHO na ang mga kalalakihan ay uminom ng tatlong litro ng tubig o nasa 13 baso ng tubig araw-araw habang sa mga kababaihan ay 2.2 litro o siyam na baso, ang rekomendasyon ng WHO ay batay sa isinagawa nitong national food surveys.
Sa mga mag-eehersisyo, payo ng health experts na bago pa man simulan ang exercise ay dapat na uminom agad ng dalawang baso ng tubig at habang nag-eehersisyo ay uminom din para mapalitan ang inilalabas na pawis subalit kung masyado umanong “intense” ang exercise gaya kung sasali sa mga marathon ay dapat umano ay uminom ng sports drink na may sodium upang mapalitan umano ang sodium na nawawala sa katawan dahil sa sobrang pagpapawis at pagod.
No comments:
Post a Comment